MANILA, Philippines – Sinuportahan ng isang scientist ng Gene Regulation Laboratory mula sa Indian Institute of Chemical Biology (IICB) ang panawagan ng Greenpeace na ipagbawal sa Pilipinas ang mga produktong gawa sa Genetically Modified Organism (GMO).
Ilan sa mga ito ay ang BT corn, BT eggplant, at golden rice na pinaniniwalaang mapanganib sa kalusugan.
Paliwanag ng eksperto na inimbitahan ng Greenpeace Southeast Asia sa kanilang forum, hindi ito ligtas na itanim o kainin dahil sa malaking pinsala na maaring magawa sa katawan ng tao.
“A very good science can lead to a very bad technology, so genetics and GM is a prime example of this. So genetics is a very good science but GM technology is a very bad technology only techno mania will accept that,” pahayag ni Dr. Tushar Chakraborty, Principal Scientist ng Indian Institute of Chemical Biology.
Matatandaan na noong 2004 ay inaprubahan ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry ang importasyon ng 67 GMO sa bansa.
“Now the toxin is there not only in the eggplant, the fruit but also in the leaves in the roots and everything and this will if we allow this will be the first time that the toxin we will eat, so this is a kind of dangerous thing so we have said no no to eat.”
Ayon pa Dr. Chakraborty, bukod sa mapanganib ito sa kalusugan at sa kalikasan, apektado rin dito ang kabuhayan ng maliliit na magsasaka dahil magiging kontrolado na lamang ang binhi ng ilang malalaking kumpanya.
Samantala, umaasa naman ang Greenpeace na magiging maganda ang resulta ng kanilang petisyon sa Korte Suprema para sa Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus na kanilang inihain kontra sa BT eggplant trial na isinasagawa ngayon sa bansa. (Allan Figueras & Ruth Navales, UNTV News)