
Fisherman riding banca, manuever on a hot sunny day on the waters of Mactan Channel, Philippines on November 16,2012. Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 7 says, the fishing ban of sardines and mackerels in the Visayan sea from November 15 to March 15,2012 will not affect the small scale fishing industry in the region. (UNTV / PHOTOVILLE International / Naomi Sorianosos)
MANILA, Philippines – Mas pinalawak pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga lugar kung saan ipagbabawal ang panghuhuli ng mga isdang ginagawang sardinas.
Nitong Nobyembre 15 ay pinasimulan na ng BFAR ang fishing ban sa Visayan seas kabilang ang karagatang nasasakop ng Bicol, Western, Central at Eastern Visayas.
Masasakop din ng fishing ban ang baybayin ng Madridejos sa Cebu, Negros Oriental at Capiz na napag-alaman na nagkakaroon ng overfishing.
Ayon kay BFAR Director Asis Perez, nagkaroon ng malaking pagbaba sa bilang ng mga isda sa Visayan sea sa nakalipas na anim na dekada.
“We intent to implement yung ating 4168 it’s a close season for Visayan sea. Dahil di ba nagkaroon tayo ng close season sa Zamboanga at napaka-successful noon at gusto natin ituloy-tuloy at i-expand pa yung area of operation.”
Ayon sa BFAR, positibo ang naging resulta ng ginawang fishing ban noong nakaraang taon sa Zamboanga Penninsula dahil nabigyan ng sapat na panahon ang mga isda para lumaki at dumami.
Tumaas rin ng 76 porsiyento ang produksyon ng sardinas sa 2nd quarter ng 2012 kung saan umabot sa mahigit sa 72,000 metric tons ang nahuling isda ayon naman sa Department of Agriculture (DAR).
Nilinaw naman ng BFAR na maaari pa ring mangisda sa mga nasabing lugar dahil tanging isdang ginagawang sardinas lamang gaya ng tunsoy, tamban at tulis ang bawal hulihin sa panahon ng fishing ban.
Bubuo ang BFAR ng isang Visayan sea squadron para ipatupad ang naturang fishing ban. May nakalaan namang parusa sa sinomang mapapatunayang lumabag sa fishing ban. (Mon Jocson & Ruth Navales, UNTV News)