
Gumagawa ng artificial coral reefs ang Pacific Cebu Resort sa Cebu bilang pamalit sa mga napinsala ng dynamite fishing (UNTV News)
CEBU, Philippines — Nakapaloob ang ating bansa sa tinatawag na coral triangle, tahanan ng may ¾ ng world coral species at mahigit dalawang libong marine plants at animals.
Sa aming pagbisita sa Pacific Cebu Resort, hangad nila hindi lamang kumita kundi ipagmalasakit din ang ibinibigay na pagpapala ng kanilang yamang dagat na nasasakupan.
Gumagawa din sila dito ng mga hakbang upang maparami ang mga isda, kung saan naglagay sila rito ng mga banga, ngayon tinutubuan ng mga corals na nagiging tirahan ng mga isda.
“Kasi itong mga banga na ito, nakita natin may dalawang buwan na may tumutubo ng real corals talaga at madami ng isda nag-stay sa banga na iyon,” pahayag ni Joselito Gilig, isang diver sa Pacific Cebu Resort.
Nasira kasi ang ilang coral reefs dahil sa mga dynamite fishing noon, kaya ngayon sa tulong ng dalawampu’t limang banga na kanilang inilagay, kapansin-pansin din ang muling pagdami ng mga isda.
Kaya hikayat nilang subukan din nating mga Pilipino mag-dive sa ating mga marine sanctuary upang mapahalagahan natin ang mga diving site na kinahihiligan ng mga dayuhan.
“Yung dive shop natin ay 5-star PADI (Professional Association of Diving Instructors) accredited, kaya we offer different courses in diving and fun dive,” ani Franco Detosil ng Pacific Cebu Resort.
Diving man o snorkeling ang inyong trip dito sa Mactan, Cebu, may paalala sila para sa ating mga kasambahay upang huwag magtapon ng basura lalo gawa sa plastic.
“Karamihan makita naming mga basura ay mga diapers, cans, bottled water, hindi maganda ‘yan sa mga marine life natin, makamamatay din,” saad ni Gilig. (Bryan Evangelista, UNTV News)