
MTSAT ENHANCED-IR Satellite Image
10:32 a.m., 19 February 2013 (PAGASA.DOST.GOV.PH)
MANILA, Philippines – Inatasan na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kanilang local disaster response unit na bantayan ang sitwasyon lalo na sa mga lugar na may nakataas na babala ng bagyo.
Sa abiso ng NDRRMC, pinababantayan nito ang mga lugar sa southeastern Mindanao partikular ang bahagi ng Compostela Valley at Davao Oriental na una nang sinalanta ng bagyong Pablo.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may nakataas na babala ng bagyo sa Davao Del Norte, Davao Del Sur, Davao Oriental, Compostela Valley, bahagi ng Surigao Del Sur, Agusan Del Sur, Bukidnon, Lanao Del Norte, Lanao Del Sur, North Cotabato, Maguindanao, Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani Province.
Muli ring pinaalalahanan ng NDRRMC ang mga residente na agad sumunod kapag pinalilikas ng mga otoridad upang makaiwas sa panganib. (UNTV News)