
Si Atty. Tony Oposa, isang environmental lawyer (UNTV News)
MANILA, Philippines — Itinuturing na isang malaking hamon para sa mga environmentalist na masolusyunan ang problema sa trapiko.
Kaya naman isang petisyon ang ihahain nila sa mga barangay sa Metro Manila at mga pangunahing lungsod sa bansa.
Plano ng grupo na sabay-sabay na maghain ng petisyon kalakip ang kanilang mga lagda.
Ayon sa environmental lawyer na si Atty. Tony Oposa, dadalhin nila ang petisyon kung walang mangyayari sa barangay level.
“Mag-file kami ng kaso sa husgado maliwanag ang explanation, may ebidensya, proseso at higit sa lahat, lahat pwedeng sumama at mayroong resolusyon.”
Nakasaad sa panukala ng grupo na dapat bigyan ng sapat na lugar ang mga mamayan para sa pagbibisikleta at maluwag na sidewalk sa paglalakad.
Nais din ng grupo na isulong ang pagpapaunlad ng mga public transport gaya ng MRT, LRT at monorail train na mas maiging gamitin upang mapangalagaan ang kalikasan.
Mariin ding tinutulan ng grupo ang planong rehabilitasyon sa EDSA.
Mas makakabuti anila na gamitin na lamang ang pondo ng gobyerno sa mas kapakipakinabang na proyekto.
“I question the basic principle, ano ba sinasaksak natin sa Edsa, puro kotse, mali yan… hindi ang kalsada ginawa para sa kotse, ginawa para sa tao, transportation is not for cars it is for people,” paliwanag ni Atty. Oposa.
Suportado naman ni MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino ang adhikain ng grupo.
Ayon kay Tolentino, “Nagpapasalamat tayo na sinusuportahan yung non-autorized mode of transport, yung walk ability lesser pollution good for the health, we welcome all initiative to have a more sustainable mode of transport.”
Sa ngayon ay inumpisahan na ng grupo ang pagkalap ng pirma para sa kanilang ihahaing petisyon sa Abril 22. (Mon Jocson & Ruth Navales, UNTV News)