
Bumaba na ang porsiyento na maramdaman sa bansa ang epekto ng El Niño phenomenon ngayong taon (UNTV News)
MANILA, Philippines — Lumiliit ang posibilidad na maramdaman pa ang epekto ng El Niño phenomenon ngayong taon.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mula sa dating 85% noong Hulyo ay bumaba na sa 65% ngayong Agosto ang posibilidad ng pagkakaroon ng El Niño.
Una nang naianunsyo ng PAGASA na posibleng maramdaman ang epekto ng El Niño sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon. Subalit base sa naitalang temparatura sa dagat Pasipiko partikular sa eastern at central equatorial Pacific, sa mga nagdaang buwan ay mababa pa ito sa 0.5 na threshold.
Ibig sabihin, hindi pa sapat ang indikasyon na may nangyayaring El Niño phenomenon.
Ayon kay PAGASA weather specialist II Jorybell Masallo, kailangan na nasa consistent 0.5 ang threshold sa tatlong magkakasunod na buwan upang masabing umiiral ang El Niño.
“From April since minonitor namin itong anomalous warming sa centra and eastern equatorial Pacific, nagkakaroon siya ng warming pero since pumasok na yung month ng August, bumababa na naman siya. So ibig sabihin nagdi-decrease pa sa 0.5 at ngayon nga 0 na yung kanyang anomaly,” paliwanag nito.
Ayon pa sa PAGASA , sakali mang matuloy ang El Niño phenomenon ay sa unang bahagi hanggang sa kalagitnaan ng taong 2015 pa ito mararamdaman.
Gayunman, nagpaalala ang ahensya na magtipid pa rin sa pagkonsumo ng tubig dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sapat ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng mga pagulan at bagyong nagdaan.
Ala-sais kaninang umaga ay nasa 178.34 meters pa lamang ang lebel nito kung saan mababa pa rin sa normal low water level na 180 meters. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)