
Coconut Scale Insect o Cocolisap (Courtesy of PCA)
MANILA, Philippines — Sa ipinadalang sulat ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa opisina ni Laguna Governor Ramil Hernandez, hiniling ng ahensiya ang agarang pagpapatupad ng mga checkpoint sa lalawigan upang tiyaking walang makalulusot na mga binhi o bunga ng niyog na apektado ng Coconut Scale Insect o Cocolisap.
Bunsod ito ng ipinalabas na executive order ng palasyo ng Malakanyang na naglalaman ng agarang pagkontrol sa paglaganap ng mapinsalang peste sa mga puno ng niyog sa CALABARZON region.
“Executive order 169 kasi — ang mandate kasi nito lahat ng infested coconut trees ipu-prune natin at ita-trunk injection. Basically lahat ng ating ginagawa is back by science. Effective siya”, pahayag ni PCA Development Manager Joselito Alcantara.
Sa sulat naman ng PCA sa mga mayor at barangay chairman na ipinadala nuong nakaraang lingo, hinikayat nila ang mga ito na sumuporta sa pagsasagawa ng pest control sa kanilang mga nasasakupan.
“We encouraging the coconut farmers na suportahan itong operations na ito. Makipagtulungan talaga kasi nakaka-encounter pa tayo ng resistance sa iba but we are explaining ng kahalagahan nito. Yung industriya ng niyog is a foreign exchange earner and that is a billion a year”, ani Alcantara.
Inihayag din ni Alcantara na problema nila sa ngayon ang ilang gamit para sa pagkontrol sa peste.
Gayunman tiniyak ni Alcantara na magagawa nilang makontrol ang paglaganap ng Cocolisap bago matapos ang buwan ng Agosto na ibinigay na taning ng Pangulong Aquino.
Aniya, “There are some problems, kagaya ng availability ng material for pruning at availability ng drills kasi napuputol lahat pero inaayos naman natin yan by service providers.”
Sa kasalukuyan 367,000 pa na mga puno ng niyog ang apektado ng Cocolisap mula sa dalawamput tatlong munisipalidad sa Laguna. (Sherwin Culubong, UNTV News)